Sabado, Oktubre 8, 2016

PANANAMPALATAYA

        Hindi nakapagtataka na ang Pilipinas ay isa sa may pinakamadaming mananampalataya sa buong mundo dahilan sa dami ng mga simbahan kaya likas na masasabing ang mga Pilipino ay dakilang mananampalataya. Sa kabila ng mga ito, hindi maiiwasang magkaroon ng iba't ibang pinaniniwalaan at relihiyon. 

        Ang simbahan sa litrato ay ang Cathedral de San Sebastian. Ito ang sentrong simbahan sa lungsod ng Lipa. Natapos itong gawin noong 1865 sa tulong ni Fr. Benito Baras. Samantalang, noong taong 1944, ito ay malubhang nasira at muling ipinaayos ni Msgr. Olalla at Fr. Vergara. 

PANALANGIN

        Kahit gaano kahirap, kahit gaano kasakit, kahit ano pa man ang ating pinagdadaanan sa buhay, tanging panalangin ang makapagbibigay lakas-loob sa atin upang lumaban at harapin ang buhay.

LAKBAY-ARAL

        Sa aming paglilibot- libot sa simbahan ay nakuhanan ko ang mga batang naglalakbay-aral na nagmula pa sa iba't ibang rehiyon. 


        Ang Iglesia ni Cristo ay isang relihiyong Kristiyano na nagmula sa Pilipinas at unang pinamahalaan ni Felix Manalo noong 1914. Marami rin itong mananampalataya gaya ng sa ibang relihiyon. Ang mga simbahan nito ay matatagpuan sa iba't ibang dako ng bansa. 


Biyernes, Oktubre 7, 2016




 
HILING

 

DASAL

        Isa sa mga dinarayong simbahan ay ang Divino Amor- Redemptorist na matatagpuan sa M.K. Lina St., Lipa City. Ito ay simbahang Katoliko lalong lalo na sa mananampalatayang may debosyon sa Mahal na Birheng Maria. 

        Bawat Pilipino man ay may kanya-kanyang paraan ng pagsamba, iisa naman ang ating layunin, ang magkaroon ng matatag na pananampalataya, paniniwala, pag-inig at pagtitiwala sa Poong Maykapal na tayo ay gagabayan sa anumang pagsubok at hindi kailanman pababayaan. 


        




SOSYAL

        Karamihan din sa mga Pinoy ay mas pinipiling kumain sa mga mamahalin at sosyal na kainan para sa bagong lasa at ilan lamang sa mga iyon ay ang mga kuha ko sa itaas. 







LOVE KO 'TO 
        Kung ang hanap mo ay lugar kung saan ikaw ay makakapag move-on, sa McDonald's ka pumunta. Abot-kaya ang presyo ng mga pagkain dito at kilala din bilang isa sa mga popular na "fastfood chains" sa buong mundo. 
BIDA ANG SAYA

        Paboritong kainan ito ng mga bata maging ng mga matatanda. Kilala ito sa masasarap na "meal" at sa ipinagmamalaking "crispylicious, juicylicious na chickenjoy".

        Saan ka man magpunta ay hindi ka mawawalan ng lugar na kakainan. Sa dami ng mga ito ay tiyak na mabubusog ang iyong sikmura. Abot-kaya ng bulsa at masarap pa. Ang mga Pilipino, kahit na nagtitipid ay likas na mahilig sa pagkain. Pinoy 'yan eh! 



UKAY-UKAY

        "Wag tayo sa mall bes, mahal do'n. Sa may Jukaykay at bp. na lang tayo bumili ng damit." 

        Hindi maitatanggi na ang kabataang Pilipino ay mahilig pumorma o kaya naman ay mahilig bumili ng damit at ang una sa listahan ng kanilang pamilihan ay ang ukay-ukay. Mura na, maganda pa. Dito ay maraming pagpipilian at swak na swak sa badyet ng kabataan. Kaya't kung nagtitipid ka, wag nang magmaarte at sa ukay ukay ay pumunta. 

SAMPAGITA

        Sampagita ang itinuturing na pambansang bulaklak ng ating bansa kaya siguro marahil ay ito na rin ang isa sa naging kilalang bulaklak na inilalako sa mga patyo ng simbahan. Kilala tayong mga Pinoy sa pagsasabit ng kwintas na sampagita sa mga rebulto ng mga santo at santa sa ating bahay bilang paggalang. Ang litrato sa itaas ay kuha sa labas ng simbahan ng Cathedral. Nakaupo ang isang ginang habang naghihintay sa mga taong maaalok niya ng kanyang paninda. 

TURO-TURO
KATAS NG BUKO 


        Hindi ka Pinoy kung hindi ka maalam kumain ng mga pagkaing-kalye o "street foods". Nakagawian na ng ilan sa atin ang bumili ng mga uyamin o turo-turo. Talaga namang takaw-atensyon ang mga makukulay na inihaw sa tabi ng kalsada at tig-pipisong kikyam at tres na kwek-kwek. Kung minsan pa nga ay dito nauubos ang baon ng estudyante. Masarap dahil sa sawsawan at murang presyo. 

        Isa pa ay ang inuming buko ni lolo. Madalas ko itong maabutan sa labas ng eskwelahan lalo na kapag uwian. Hanggang sa ngayon ay patok na patok pa rin ang mga pagkaing tulad niyan. 


TAHO

        Noong bata pa ay madalas akong nagigising sa tawag ng tinderong may lako ng taho. Kilalang kilala ito ng mga batang Pilipino at marahil ay katulad ko din sila na peyborit ito. Ito na ang nagsilbi kong tagapanggising lalo na kung Sabado at Linggo. Marahil ay marami pang ibang bata ang nakaranas nito. Masarap dahil may madami ang sago at matingkad ang kulay kaya't nakahahalinang bumili. 


        Nakuhanan ko ang larawan ng magtitinda ng taho sa tabi ng simbahan. Waring nagpapahinga siya sapagkat tumigil muna siya sa isang tabi at umupo ng kaunting oras. Mahirap pala talaga ano? Mahirap makipagsapalaran lalo na kung kalaban mo ang oras at panghihina ng katawan. 




YAKULT

        Mula noong nauso ang inuming Yakult, ang pang araw araw na baon ng mga bata sa eskwelahan katuwang ng malutong na biskwit, ay nauso na rin ang katagang "Yakult everyday, everyday okay."Minsan ba ay naisip nating itanong sa ating sarili ang kalagayan ng mga tindera ng yakult sa kalye? Kung hindi nakasusunog ng balat ang mainit na klima ay nandiyan naman ang malakas na ulan. Pawisan, masakit ang paa, at pagod. Pero Pinoy e, kaya kinakaya kahit ano. Hindi ka Pinoy kung hindi mo alam ang Yakult. 

        Saludo kaming kapwa ninyo Pilipino sa pagiging magiging matiyaga, masipag, at matatag ninyo, at sa pagpapanatili ng mga pagkain na hindi lamang bumusog sa aming sikmura kundi naging bahagi na rin ng aming masayang pagkabata. 







"NAMAMAG-ASA"

        "Ate, kuya, pahinging piso. Pambili lang ng pagkain. " Mga katagang madalas nating marinig mula sa mga batang lansangan kasabay ng ingay mula sa mga humaharurot na sasakyan at usapang tila walang katapusan ng mga taong naglalakad at nakikipagsapalaran sa bayan. Sa kabila ng ating mulat na kaisipan at matalas na pandinig ay patuloy pa rin tayong nagbibingi-bingihan sa nakalulungkot na mukha ng realidad. Namamag-asa ang mga munting tinig ng batang tulad nila na sana ay mabuksan ang ating puso at isipan na dinggin ang tawag nila. 
        Nawa'y sa paglalakad natin tungo sa ating patutunguhan ay mabigyang pansin ang pagbibigay ng awa at habag na tumulong sa batang lansangan na ulila na ng mga magulang. Sa simpleng pagbibigay mo ng barya ay tiyak na mapapawi ang kulubot sa kanilang noo, at mapapalitan ng ngiti ang kanilang mga labi. 
        


 http://www.themisischronicles.com/happy-birthday-pilipinas-may-gift-kami-sa-iyo/
"Mano po, Lola"

        Mula pagkabata ay nakasanayan ko nang sundin ang itinuro ng aming mga magulang sa aming magkakapatid. Pagsapit ng mga banal na oras ay dapat magmano sa mas nakatatanda at gayundin naman kapag may bisitang dumadating. Mula pagkabata ay dapat alam na natin ang tamang paggalang at respeto sa ating kapwa. 

http://forumdewa.net/archive/index.php?thread-957.html
"Mano po."

        Walang pinipiling panahon ang pagiging magalang nating mga Pilipino. Nasaang dako ka man, o ano man ang ginagawa mo, kapag nakakita ng nakatatanda ay nagmamano. Marahil ngayon ay hindi na lubusang ganito ang ating pagkamagalang subalit hindi magbabago na isa itong katangian na ating maipagmamalaki sapagkat hindi lahat ay marunong gumalang at rumespeto sa kapwa. 

www.reap-canada.com
GAMAS

        Ang litratong ito ay kuha ng isa nating kababayan. Makikitang ang isang Pilipino ay naggagamas sa talahiban. Natatandaan ko pa ang kwento ng aking lola sa akin tungkol sa kanilang pinagkakakitaan noong siya ay hindi pa gaanong katandaan. Sabi niya, hindi pa daw lumalabas ang haring araw ay umaalis na sila sa kanilang kubo upang maghanda sa paggagamas sa malawak na talahiban o bakuran na may matataas na damo. Sa kaniyang gawaing ito ay nakakakuha siya ng kaunting salapi na sapat lamang upang makabili ng bigas at ulam. 
        Masasabi nating ang ating mga lolo at lola ay tunay na masipag ngunit sa paglipas ng panahon ay hindi natin namamalayan na hindi na natin naisasagawa ang katangian nilang taglay dahil na rin sa pagbabago ng daloy ng pangyayari kaakibat ng makabagong teknolohiya sa modernong panahon. 
apoorumal.blogspot.com
ARARO

        Kung kasipagan lang din ang usapan, tiyak na walang tatalo sa tambalang magsasaka-kalabaw. Pagsikat pa lamang ng araw ay nasa sakahan na ang tambalan. Araro doon, araro dito, may maipakain lang sa pamilya at may madalang ani sa pamilihan. Isa rin ito sa katangian ng isang Noy-Pi na tunay na nagpapahanga sa kahit sino man maging sa mga banyaga. Kaya't hindi nakakapagtataka ang bilang ng mga OFW's sa ibang bansa na kumakayod para matustusan ang pangangailangan ng pamilya. 




https://lkiu14.wordpress.com/category/filipino/
BAYANIHAN
        Namana natin sa ating mga ninuno ang tinatawag na "bayanihan" kaya't sa ilang lugar dito sa Pilipinas ay patuloy pa ring isinasagawa ito ng mga Pilipino bilang pagpapakita ng pagmamalasakit sa kapwa, pagkakaisa at pagtutulungan. 

http://arvin95.blogspot.com/2009/11/magtulungan.html
KAPIT-KAMAY
        Hindi natin maiiwasan ang pagdating ng mga sakuna lalong lalo na ang bagyo. Ito ay kuha noong kasagsagan ng bagyong Ondoy. Maihahalintulad sa isang malawak na karagatan ang baha sa larawang ito. Isang pagbubuwis-buhay ang tumayo at maglakad sa ganitong kataas na tubig ngunit hindi nagpapigil ang mga Pilipino sa pagtulong sa kapwa nangangailangan. Mahirap man ay sinuong nila ang baha, matulungan lamang ang kapwa Pilipino. Ganyan ang Pinoy! 



http://efilipinowomen.com/category/the-philippines/facts/
            PASKO SA PINAS


http://jaydimaculangan.blogspot.com/2016/01/pasko-sa-pinas.html
KUMPLETO


        "Ang pamilyang sama-sama, ay nananatiling matatag at masigla". Isa rin sa katangian ng mga Pilipino ay ang pagpapahalaga sa samahan ng pamilya. Ang unang litrato ay kuha sa isang pagsasalo-salo sa hapag-kainan ng mag-anak sa araw ng Pasko. Ang ikalawa naman ay larawan kung saan sama-sama ang bawat miyembro ng malaking pamilya sa pagdiriwang ng isang okasyon. 







HALAKHAK

          Nakuhanan ko ito habang ako'y nagmamasid sa kapaligiran. "Hindi ka Pilipino kung hindi ka marunong tumawa." 'Yan ang ating pinaniniwalaan. Likas at di maaalis sa ating pagkakakilanlan bilang Pilipino ay ang pagiging masayahin. May pinagdadaanan man o wala ay hindi natin nalilimutang ngumiti. Sabi nga ng iba, bumabagyo na ay nagagawa mo pang tumawa. 

        'Yan ang dugong Noy-Pi!